Reflections of Life #10: Hanggang Saan

110403

Hanggang saan ba titibok ang isang pusong tigang?

Hanggang saan hihinga ang isang taong naubusan na ng hangin?

Hanggang saan sya kukuha ng lakas upang marating ang kanyang patutunguhan?

Hanggang saan nya ikukubli ang nagsusumamong damdamin?

Hanggang saan niya panghahawakan ang ilaw ng pag-asang pilit kumakawala sa kanyang mga kamay?

Hanggang saan papatak ang luhang waring di maubos-ubos?

Hanggang saan tatakbo ang sirang orasang tahimik na nakasabit sa dingding?

Hanggang saan mananahimik ang mga pader sa iyong silid habang ika’y nakatanga?

Hanggang saan susunod sa ritmo ng hangin ang sayaw ng mga dahon?

Hanggang saan? Hanggang saan?

Nakakapagod…

Nakakapagod magtanong ng wala namang sasagot.

Nakakapagod makaramdam ng paulit-ulit na pasakit.

Nakakapagod alamin ang mga bagay na di maabot ng iyong pagintindi.

Hayaan mo na lang tumibok ang iyong puso.

Hayaan mong ika’y huminga kahit wala ng hangin.

Hanapin mo ang kasagutan sa gitna ng maraming tanong.

Hanapin mo ang kaligayahan sa salamin ng kalungkutan.

Kahit di mo pa alam kung hanggang kailan…

Kahit di mo pa alam kung hanggang saan…